
Bilang bahagi ng kampanya ng Philippine National Police sa pagsulong ng isang mapayapa, maayos at ligtas na pagdaraos ng nalalapit na halalan ngayong Mayo 2025, ang Eastern Police District sa masigasig na pamumuno ni Acting District Director na si PCOL VILLAMOR Q TULIAO ay nanguna sa paglulunsad ng Solidarity Pact Signing para sa National and Local Elections (NLE) 2025 at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Parliamentary Election (BARMM PE) na ginanap sa araw ng Huwebes, February 13, 2025 sa EPD Multi-purpose, Caruncho Ave., Barangay Malinao, Pasig City.
Ang nabanggit na kaganapan ay pinangunahan ni Atty. Felton C. Sadang, Chairman ng District Joint Peace and Security Coordinating Council (DJPSCC) bilang Guest of Honor and Speaker kasama si Acting Regional Director ng NCRPO na si PBGEN ANTHONY A ABERIN na kung saan kanilang binigyang diin ang kahalagahan ng pagsasagawa ng solidarity pact para sa pagkakaisa ng lahat tungo sa isang patas at may kredibilidad na eleksyon 2025 sa silangang bahagi ng Metro Manila.
Kabilang sa mga nakiisa sa nasabing gawain ay ang mga pinuno at representante mula sa Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Education (DepEd), Commission on Election (COMELEC), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP),Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL), at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).
Isa sa naging bahagi ng aktibidad ang pagkakaroon ng isang interfaith prayer mula sa mga lider ng religious group. Naging tampok naman sa aktibidad ang panunumpa ng bawat kalahok bilang patunay ng kanilang pagsuporta kasunod ang makasaysayang solidarity pact signing bilang tanda ng kanilang buong pusong pagtalima sa mga kasunduang pangkapayapaan hinggil sa halalan 2025.
Sa pamamagitan ng kasunduang ito, muling pinagtibay ng mga kinatawan mula sa mga iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno ang kanilang pangako sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa panahon ng eleksyon lalo na ang pagpapalakas ng kampanya laban sa vote buying at vote-selling para sa isang malinis at tapat na eleksyon.
Sumentro ang mensahe ni Atty. Sadang sa pagbibigay ng mahahalagang paalala at gabay sa lahat ng nakiisa at dumalo sa aktibidad na sumunod lamang sa mga alituntuning inilabas ng COMELEC at panatilihin ang integridad ng bawat isa para mas maiangat ang kredibilidad ng eleksyon. Dagdag pa niya ang mga makabagong inobasyon ng COMELEC kaugnay ng pamamaraan ng mas pinadaling pagboto lalo na sa mga OFWs, Senior Citizens, PWDs at Mga Buntis.
Gayundin ay binigyang diin ni ARD, NCRPO, PBGEN ABERIN ang mahigpit na pagbabantay ng seguridad ng mga Kapulisan ng NCRPO at titiyakin ang kaligtasan ng lahat ng mamamayan lalo na sa buong NCR kaugnay na din ng kanyang mantra na “AAA” o ang pagiging “Able, Active at Allied” na mga Kapulisan ng NCRPO.
Ayon kay PCOL TULIAO,”Sisiguraduhin po ng Eastern Police District na ang gaganaping eleksyon sa mga lungsod na nakapaloob sa Metro East ay magiging mapayapa ang seguridad, 24/7 ang magiging pagbabantay sa mga kalsada ng mga Kapulisan upang hindi magkaroon ng oportunidad ang mga taong nagnanais na manggulo bago, habang at pagkatapos ng eleksyon.”
“Patuloy naming paiigtingin ang police presence, checkpoints, at mahigpit na ipapatupad ang gun ban upang mapigilan ang anumang banta ng karahasan sa darating na halalan.” Dagdag pa ni ADD, EPD.