Sa mas lalo pang pinaigting na pagpapatupad ng batas tungo sa isang ligtas at masaganang halalan 2025, nagsanib pwersa ang kapulisan ng Eastern Police District at lokal na pamahalaan na nagresulta sa pagkakaaresto ng pitong indibidwal matapos hayagang lumabag sa umiiral na Liquor Ban.

Dalawang magkahiwalay na operasyon ang isinagawa ng Pasig City Police Station sa pamumuno ni PCOL HENDRIX B MANGALDAN, Chief of Police, nito lamang ika-12 ng Mayo taong kasalukuyan dakong 2:25 AM sa San Isidro St., Barangay Pineda, at 5:15 AM naman sa Ilunis St., Brgy. Pinagbuhatan kung saan naaktuhan ang mga suspek na umiinom ng alak sa pampublikong lugar. Agad silang inaresto at ngayon ay nahaharap sa reklamong paglabag sa COMELEC Resolution No. 11057.

“Ito ay isang mahigpit na babala, hindi kami mag-aatubiling tugisin at parusahan ang sinumang susubok balewalain ang batas” mariing pahayag ni PBGEN ADEN T LAGRADANTE, Officer-in-Charge ng Eastern Police District. “Buong pwersa naming ipinatutupad ang batas upang mapanatili ang integridad ng halalan. Anumang paglabag, maliit man o malaki, ay hindi palalampasin ng silangang kapulisan.”

Naging matagumpay ang nasabing mga operasyon sa tulong ng programang EPD PRO-BaTON at “Patrolya ng Bayan” na parehas naglalayong palakasin ang alyansa sa pagitan ng kapulisan at ng mga barangay force multipliers. Bahagi rin ito ng pinaigting na kampanya ng EPD laban sa anumang banta sa katahimikan at seguridad ngayong halalan, lalo na’t posibleng magdulot ng kaguluhan o karahasan ang pagkonsumo ng alak sa panahon ng pagboto.

Ang mga naarestong indibidwal ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Pasig City Police Station Custodial Facility at sasampahan ng kaukulang kaso. Ayon sa batas, ang sinumang lalabag sa liquor ban ay maaaring patawan ng hanggang anim (6) na taong pagkakakulong, habambuhay na diskwalipikasyon sa pagtakbo o pagtanggap ng kahit na anong opisina sa gobyerno, at pagbawi ng karapatang bumoto.

“Nananawagan kami sa ating mga minamahal na kababayan na pairalin ang disiplina sa sarili at piliing tumugon sa mga ordinansa at kautusan ng COMELEC” dagdag pa ni PBGEN LAGRADANTE. “Ang panahon ng halalan ay hakbang tungo sa isang panibagong kabanata sa ating demokrasya. Dapat lamang na protektahan natin ang integridad nito at panatilihin ang kapayapaan sa ngalan ng isang ligtas, progresibo, at bagong pilipinas”

Inaanyayahan ng Eastern Police District ang ating komunidad na makikipagtulungan sa ating mga kapulisan. Huwag mag-atubiling isumbong ang kahit na anong paglabag sa batas at mga pinagbabawal na aktibidad ngayong panahon ng eleksyon.