Sa walang humpay na kampanya ng Eastern Police District sa laban sa kriminalidad sa nasasakupan nito, kaliwa’t kanang operasyon ang isinigawa ng kapulisan na humantong sa sunod-sunod na pagkakadakip ng mga Wanted na Indibidwal. Kabilang na dito ang matagumpay na pagkaaresto ng mga kapulisan ng Pasig sa gurong si alyas “Dodzman”, 36 taong gulang na siyang tinuring na Top 2 Most Wanted Person ng Eastern Police District at Top 3 Most Wanted Person ng Pasig City sa kasong Statutory Rape.
Noong ika-13 ng Pebrero taong kasalukuyan, sa bisa ng Warrant of Arrest na inilabas ni HON. JESUS ANGELITO Y HUERTAS JR., Presiding Judge ng RTC Branch 261, Pasig City sa kasong Statutory Rape na inilabas noong ika- 5 ng Nobyembre taong 2024, ay natunton at matagumpay na nadakip ang suspek sa Pavia, IloIlo City at nitong ika-16 ng Pebrero ng parehong taon, sa loob ng kulungan ay inihain din ng otoridad ang standing Warrant of Arrest ng suspek na inilabas ni HON. JOANNE C GIRONELLA-GASTROCK, Presiding Judge ng RTC Branch 98, Antipolo City noong ika-9 ng Oktobre taong 2024 sa kasong Rape under 266-A ng Revised Penal Code. Ang parehong kaso ay walang itinalagang karampatang piyansa.
Base sa impormasyon na hawak ng pulisya, napag-alaman na may namamagitan sa suspek at sa labing-apat na taong gulang na babaeng biktima, ngunit sa kasawiang palad ay pinagsamantalahan ng suspek ang murang kaisipan ng batang biktima. Ang nasabing pananamantala ay dalawang beses naganap ito ay noong ika-14 ng Hunyo taong 2024 sa isang hotel sa pasig at noong ika-26 ng Hunyo ng parehong taon sa isang lodge naman sa Antipolo. Buwan ng Agosto ng pareho ding taon, nakapagsumbong ang magulang ng biktima sa otoridad matapos madiskubre ang sinapit ng biktima.
Matapos ang masusing pagmamanman ng mga otoridad upang mahuli ang suspek ay matagumpay nilang natunton ito sa nabanggit na lugar kung saan siya naaresto.
Pinuri ni Acting District Director ng Eastern Police District, PCOL VILLAMOR Q TULIAO ang kapulisan ng Pasig City sa matagumpay na operasyon, “Ako po ay sumasaludo sa dedikasyon ng ating kapulisan sa kanilang sinumpaang tungkulin. Ang pagkakaaresto ng Top Most Wanted na ito ay isang patunay sa aming hindi natitinag na hangarin upang labanan ang kriminalidad sa aming nasasakupan. Patuloy parin ang operasyon upang mapanatili ang kapayapaan at katahimikan sa buong Metro East. Tinitiyak namin na pagbabayaran ng suspek ang kanyang kasalanan sa loob ng kulungan, gayundin na matulungan ang biktima na makamit ang kanyang hustisya sa kamay ng batas.”
Sa kasalukuyan, pansamantalang nakapiit ngayon sa Custodial Facility ng Pasig CPS si “Dodzman” habang naghihintay ng commitment order galing sa korte.”###