Abot-langit ang pasasalamat ng isang dalagita matapos siyang agarang masagip ng kapulisan ng Mandaluyong City Police Station mula sa seksuwal na pang-aabuso ng isang Chinese Engineer, alas otso ng gabi nito lamang ika-siyam ng Marso taong kasalukuyan.
Sa mas pinaigting na pagsisikap ng Distrito ng Silangang Kapulisan sa pagtugis ng mga salarin, nagpamalas ng proaktibong kasanayan ang Mandaluyong Pulis na nagresulta sa pagkaaresto ng nasabing suspek na nakilala sa alyas na “Li Liam”, 59 years old, at kasalukuyang namamalagi sa Brgy. Hulo, Mandaluyong City sa mismong condo unit nito.
Napag-alaman sa imbestigasyon na sumama ang biktima na si “AAA”, labing tatlong gulang, sa kanyang kaibigan para makipagswimming sa condominium na pagmamay-ari ng tiyahin nito. Pagkarating ng dalawa sa nasabing lugar ay sinundo sila ni “Li Liam” at dinala sa sarili nitong yunit. Ayon sa biktima, unang beses pa lamang niyang nakatagpo ang inhinyerong instik na tila ba matagal nang kakilala ng kanyang kaibigan.
Pagdating sa condo ng suspek ay umalis ang kaibigan ng dalagita na nagsasabing may kailangan itong bilhin. Nag-abot diumano ang suspek ng ilang piraso ng tig-isang libong papel bago ito umalis. Ilang sandali pa ay tinangka nang pagsamantalahan ng suspek ang biktima na pilit pinapasubo ang kanyang ari sa dalagita. Naantala ang tangkang panghahalay ng utusan ng suspek ang biktima na maligo. Ginamit naman ng dalagita ang pagkakataong ito upang padalhan ng text message ang kaniyang ina na agad nagsumbong sa pulisya.
Mabilis na kumilos ang kapulisan ng Mandaluyong at makalipas lang ang ilang minuto ay dumating sila sa nasabing lugar at matagumpay na isinagawa ang warrantless arrest matapos makompirma ang mga detalye ng insidente.
Sa di mabilang na pagkakataon, muling pinasalamatan at pinuri ni PCOL VILLAMOR Q TULIAO, ADD, EPD ang mga kapulisan ng Mandaluyong sa matinding pagsusumikap nilang mapanagot ang mga kriminal at hinimok silang ipagpatuloy ang tapat na serbisyo. Aniya, “Labis na nakakadismaya ang makatanggap ng mga sensitibo at maseselang kaso kung saan ang mga kabataan ang kadalasang biktima. Kaya sa ating kapulisan, patuloy tayong manindigan laban sa anumang uri ng karahasan at pang-aabuso. Siguraduhin nating batas ang mangingibabaw para maisulong ang hustisya na nararapat para sa mga biktima. Walang lugar sa ating lipunan ang mga gawaing karumaldumal kaya tiyakin nating makatarungan ang proseso sa pagpapanagot ng mga kriminal.”
Dagdag pa niya, “Sa mga kapwa ko magulang, ang insidenteng ito ay isang paalala upang higit pa nating itaas ang ating kamalayan sa mga nagyayari sa ating mga anak para mailayo sila sa mga ganitong uri ng krimen. Sa mura nilang edad, dapat ay tinatamasa nila ang buhay na malaya sa karahasan.”
Ang naarestong suspek ay kasalukuyang nahaharap sa kasong paglabag ng RA 8353 in relation to RA 7610 at isinailim sa kustodiya ng Mandaluyong City Police Station para sa masusing imbestigasyon.###