
Bilang suporta sa 5-Minute Response Time Program ni PGEN NICOLAS D TORRE III, Chief, Philippine National Police, nagsagawa ang Eastern Police District sa pamumuno ni PBGEN ADEN T LAGRADANTE, District Director, ng isang malawakang Information Drive Campaign upang palaganapin ang kaalaman ng publiko ukol sa kahalagahan ng pagtawag sa 911 sa oras ng emergency.
Layunin ng kampanya na maitaas ang kamalayan ng mga mamamayan sa Pasig, Mandaluyong, Marikina, at San Juan hinggil sa mabilis at epektibong pagtugon ng kapulisan sa mga insidente ng krimen, aksidente, at iba pang uri ng panganib, sa loob lamang ng limang minuto, gamit ang 911 Emergency Hotline.
Bilang bahagi ng kampanya, iniatas ni PBGEN LAGRADANTE sa lahat ng himpilan ng pulisya sa nasasakupan ng EPD ang pagpapatupad ng Oplan E911 Bandillo, kung saan ang mga nagpapatrulyang pulis ay nagsagawa ng recorida gamit ang megaphone at PA system ng mga Mobile Patrol Cars. Isinagawa ito sa mga matataong lugar upang ipabatid sa publiko ang wastong paggamit ng 911 Emergency Hotline at ang agarang tugon ng kapulisan.
Kasabay nito, inilunsad din ang pagpapalabas ng mga Audio-Visual Presentations sa mga LED Walls ng mga paaralan, barangay halls, at iba pang mga establisyemento, gayundin ang pamamahagi ng mga informative flyers at malawakang posting sa social media platforms upang higit pang mapalawak ang abot ng kampanya.
Nakapagtalaga ang EPD ng 181 matagumpay at mabilis na pagresponde gamit ang 911, na nagpapakita ng kahandaan at kahusayan ng mga kapulisan sa pagsunod sa 5-Minute Response Time directive ng pamunuan ng PNP.
Simula nang inilunsad ang 5-MRT Program ni CPNP, nakapagsagawa na ang EPD ng 618 Simulation Exercises upang subukin ang bilis at galing ng kapulisan sa pagresponde. Sa mga pagsubok na ito, ang pinakamabilis na pagtugon ay naitala sa loob lamang ng 1 minuto na pasok sa loob ng limang minutong pangako ng PNP.
“Ang mabilis na pagtugon ng ating kapulisan ay nagsisimula sa tamang impormasyon. Kaya’t sinisikap ng EPD na ipaabot sa bawat mamamayan ang kahalagahan ng pagtawag sa 911, ito ang ating lifeline sa oras ng panganib,” ani PBGEN LAGRADANTE.
Ang kampanyang ito ay patunay ng patuloy na pagtutok ng Eastern Police District sa pagbibigay ng ligtas at mapayapang pamayanan sa pamamagitan ng mabisang komunikasyon at maagap na aksyon ng kapulisan.