Muling pinatunayan ng Eastern Police District ang kanilang kahandaan at dedikasyon sa serbisyo sa pamamagitan ng masigasig na pagsasanay ng kanilang Civil Disturbance Management (CDM) contingents bilang paghahanda sa nalalapit na 2025 CDM Competition sa buwan ng Hulyo.

Sa ilalim ng pamumuno ni PBGEN ADEN T LAGRADANTE, District Director ng EPD, ang nasabing pagsasanay ay hindi lamang bahagi ng kompetisyon kundi isa ring mahalagang hakbang sa preparasyon para sa darating na State of the Nation Address (SONA) 2025 ni Pangulong FERDINAND “BONGBONG” R. MARCOS, JR., kung saan layunin ng kapulisan na mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa kabila ng mga inaasahang kilos-protesta at pagtitipon.

Binubuo ang CDM contingents ng mga piling lalake at babaeng pulis ng EPD na nasa ilalim ng District Mobile Force Battalion (DMFB), katuwang ang District Special Training Unit (DSTU). Mahigpit ang pagsasanay na isinasagawa hindi alintana ng mga personnel ang init, pagod, at uhaw upang mahasa sa pagbuo ng 8 Basic CDM Formations at iba’t ibang situational scenarios na maaaring maranasan sa aktwal na deployment.

Ang pagsasanay ay kaakibat din ng programang Triple A (Able, Active, and Allied Police Force) ni PMGEN ANTHONY A ABERIN, Regional Director ng NCRPO, na naglalayong patatagin ang kahusayan, kahandaan, at pagtutulungan ng mga yunit ng pulisya sa rehiyon.

Bukod dito, layunin din ng pagsasanay na suportahan ang 5-Minute Response Time Program ni PGEN NICOLAS D TORRE III, Chief ng PNP, na nakatuon sa agarang pagresponde sa oras ng pangangailangan.

Sa isang maikling pahayag, sinabi ni PBGEN LAGRADANTE, “Bilang mga tagapangalaga ng katahimikan at kaayusan, tungkulin naming maging laging handa sa anumang sitwasyon. Sa pamamagitan ng pagsasanay na ito, pinatitibay natin hindi lamang ang ating pisikal na kahandaan, kundi maging ang ating disiplina at pagkakaisa bilang isang organisadong pwersa.”

Sa pamamagitan ng patuloy na pagsasanay at paghasa ng kasanayan, tinitiyak ng Eastern Police District na laging handa ang kanilang hanay sa anumang hamon mapa-kompetisyon man o totoong sitwasyon para sa kaligtasan ng publiko at kapayapaan ng komunidad.