Walang takas sa follow-up operation ng Pinagbuhatan Police Sub-Station 5 sa pamumuno ni PCPT CHRISTIAN G YANGA, Acting Commander ang bente-tres anyos na tricycle driver na sangkot sa akyat-bahay sa loob ng Pinagbuhatan Child Development Center kung saan nasa apat na milyong pisong pera ng Sangguniang Kabataan ng nasabing barangay ang natangay.

Base sa impormasyon ng pulisya, dakong alas dos ng hapon nitong ika-27 ng Abril taong kasalukuyan, nadiskubre ng mga SK officers ang sirang steel cabinet kung saan nakakubli ang malaking halaga ng pera. Lumalabas sa masusing imbestigasyon ng kapulisan ang sapilitang pagpasok ng naarestong suspek na kilala bilang alyas “Jomar” at ang umano’y kasabwat nito na si alyas “JD” (At-large) sa nasabing opisina. Napag-alaman na inakyat ang bahay mula sa rear wall at pilit sinira ang kisame ng ikalawang palapag ng gusali kung saan nagkaroon sila ng pagkakataon na makapasok. Matapos tangayin ang pera ay kinuha din ng mga suspek ang cctv camera sa pag-aakalang matakasan nila ang kanilang nagawang krimen, sabay takas gamit ang tricycle na minamaneho ni alyas “Jomar”.

Agad naman nagsagawa ng backtracking at follow-up operation ang pulisya matapos matanggap ang report, sa tulong ng mga nakalap na ebidensya ng EPD Forensic Unit na pinangunahan ni PCPT ROLANDO RABAGO, agarang nakilala at natunton si alyas “Jomar”.

Pinuri ni PBGEN ADEN T LAGRADANTE, OIC, EPD ang maagap na pagkadakip ng suspek. “I highly commend the service exerted by our men on the ground for the swift response that led to the immediate apprehension of the suspect. This accomplishment is a testament of our dedication to duty, to fight against such criminality to protect our people. For the at-large suspect, we launch our maximum operation to locate his whereabouts. Walang puwang sa aming lugar ang mga ganitong indibidwal kaya’t tinitiyak namin na sa loob ng kulungan nila pagbayaran ang kanilang ginawang krimen.”

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya ng Pasig CPS si alyas “Jomar” para sa kaukulang disposisyon at proseso ng kasong isasampa laban sa kanya. Samantala, patuloy pa ang ginagawang operasyon ng pulisya upang matukoy ang kinaroroonan ng isa pang suspek na si alyas “JD” na kasabwat ng nahuling suspek.###