Katarungan ang nanaig sa isang biktima ng pang-aabuso matapos ang matagumpay na operasyong pinangatawan ng Pulis Marikina nito lamang ika-18 ng Marso bandang 5:30 ng hapon sa Brgy. Parang, Marikina City. Kaugnay sa mas pinatibay at pinaigting na pagpapatupad ng batas sa Silangang Distrito ng Kapulisan, nasakote ang isang suspek na kilala sa alyas “Dondon”, 46 na taong gulang, isang tattoo artist, at kilalang Top 6 Most Wanted Person, District Level para sa buwan ng Marso sa taong kasalukuyan.

Batay sa mga impormasyong nakalap, ang insidente ng seksuwal na karahasan ay nagsimula noong Agosto 2024 kung saan ang biktima ay hinalay ng suspek, na mismong amain nito. Ang pang-aabuso ay nasundan at ilang ulit pang isinagawa ng suspek hanggang buwan ng Septyembre 2024 na siyang nag-udyok na sa dalagita na magsumbong at magsampa ng reklamo laban kay “Dondon”.

Sa mabusisi at maingat na pakikipag-ugnayan ng mga kapulisan ng Warrant and Subpoena Section, nahuli ang suspek sa bisa ng Warrant of Arrest na inilabas ng Acting Presiding Judge ng Family Court Branch 7 ng Marikina City sa kasong Qualified Rape of a Minor (4 counts) na inilabas nitong ika-13 ng Marso 2025.

Pinasalamatan at pinuri ni PCOL VILLAMOR Q TULIAO, Acting District Director ng Eastern Police District, ang Pulis Marikina sa hindi matinag nilang dedikasyon sa pagpapatupad ng hustisya. Aniya, “Ang mga karumal-dumal na gawaing ito ay walang lugar sa ating lipunan kaya naman isang malaking pagpupugay sa ating mga kapulisan ng Marikina. Lagi nating ipamalas ang hustisya at mahusay na aksiyon laban sa karahasan at pang-aabuso”.

Dagdag pa niya, “Ipinapangako ng aming hanay na patuloy ang pagbibigay namin ng proteksiyon sa lahat ng mamamayan para sa mga ganitong uri ng krimen. Hindi kami titigil sa pagsasagawa ng mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa sa ating komunidad.”

Sa kasalukuyan, ang suspek ay nakapiit sa Custodial Facility ng Marikina City Police Station habang hinihintay ang commitment order sa korte.###