Matapos ang sampung taon ay nabigyan din ng hustisya ang isang biktima ng pagpatay sa Masbate. Sa pagpapatupad ng panghuhuli sa mga Wanted na indibidwal na may standing Warrant of Arrest ay matagumpay na nagampanan ng EPD ang tungkuling ito ng maaresto ng mga operatiba ang isang kriminal na matagal nang nagtatago.

Sa isang Manhunt Operation na ikinasa ng Counterintelligence and Security Section at District Intelligence Division, kasama ang Cataingan MPS, Masbate PPO, sa bisa ng Warrant of Arrest na inilabas ng RTC Branch 49, Cataingan, Masbate noong December 20, 2016 ay nasakote ang suspek na sampung taon nang nagtatago mula sa kamay ng batas.

Ang suspek ay kinilala na si alyas “G.L.S.”, 56 na taong gulang at kasalukuyang naninirahan sa Taytay, Rizal. Ayon sa ulat na natanggap ng District Intelligence Division, Eastern Police District, ang krimen ay naganap noong Agosto 18, 2015. Bandang 6:30 ng gabi ng nasabing petsa, ay pareho diumanong nakainom ang suspek at ang biktima na asawa ng kanyang anak na babae. Ilang sandali lang ay nagkainitan ang diskusyon ng dalawa na humantong sa pagkakasaksak at pagkakapatay ng nasabing suspek sa biktima.

Sa isinagawang masusing manhunt operation ng mga Operatiba ng EPD ay natunton ang pinagtataguan ng suspek kaya mabilis nilang isinagawa ang operasyon nito lamang March 9, 2025 bandang 2:30 ng hapon sa Brgy. San Isidro, Taytay, Rizal na nagresulta sa matagumpay na pagkakahuli sa suspek na pansamantalang nakapiit sa Pasig City Police Station.

Pinuri ni PCOL VILLAMOR Q TULIAO, Acting District Director ng EPD ang pagkakadakip sa suspek. Aniya, “Mahusay na ginagampanan ng ating kapulisan ang kanilang tungkuling hulihin ang mga Wanted na indibidwal na nagtatago sa ating batas. Tunay ngang sa kabila ng pagtatago ng mga kriminal sa mga otoridad ay hindi pa rin makakawala sa kamay ng batas ang mga taong nagkakasala.”

Dagdag pa ng ama ng silangang distrito ng pulisya, “Pag-iigtingin pa ng EPD ang ating laban kontra sa mga kriminal upang panagutin sa kanilang mga krimen nang sa gayon ay magkaroon tayo ng ligtas at tahimik na pamayanan para sa mga mamamayan ng silangang bahagi ng Maynila.”###