Sa mas pinagtibay na hangarin at dedikasyon ng Eastern Police District sa pagpapatupad ng batas laban sa iba’t ibang krimen, gayundin sa pagtulong sa mga biktima ng kriminalidad na makamit ang katarungan at hustisya, sunod sunod ang naging matagumpay na operasyon ng kapulisan na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga wanted na indibidwal. Kabilang na dito ang pagkahuli ng Rank 9 Most Wanted Person sa EPD, at itinuring na Rank 8 Most Wanted Person din ng Pasig City sa kasong Frustrated Murder, nito lamang ika-6 ng Marso taong kasalukuyan.

Sa bisa ng Warrant of Arrest na inilabas ni Honorable Kathrine A. Go, Acting Presiding Judge ng RTC Branch 166 ng Pasig City na bitbit ng mga tauhan ng Pasig CPS ay ikinasa ang operasyon na humantong sa pagkadakip ng 44 anyos na suspek na si alyas “Baba” sa Pulong Santol, Porac Pampanga.

Ayon sa mga record, labas-pasok sa kulungan ang suspek dahil sa iba’t ibang kasong kinasangkutan kaugnay sa illegal na droga at pagsusugal taong 2017, 2019, 2023 at 2024.

Pinuri ni PCOL VILLAMOR Q TULIAO, Acting District Director EPD ang matagumpay na pagkakahuli kay alyas “Baba”. Ayon pa sa kanya, “Isang testamento ng masigasig na pagpapatupad ng batas ng ating magigiting na kapulisan sa Eastern Police District ang matagumpay na pagkakaaresto ng isa sa Most Wanted Person sa EPD. Tunay na pinatutunayan ng ating mga alagad ng batas ang mahusay at marubdob na pagganap sa kanilang tungkulin.”

Dagdag pa ng pinuno ng silangang distrito ng pulisya, “Ipinapangako ng EPD na lalo pang pag-iigtingin ang laban kontra sa kriminalidad nang sa gayon ay magkaroon ng kapayapaan at kapanatagan ang ating mga mamamayan.”

Sa kasalukuyan, pansamantalang nakapiit ang suspek sa Custodial Facility ng Pasig City Police Station habang hinihintay ang Commitment Order mula sa korte.###